PinoyStream Versatile Radio

Lola Josephine, 62, graduates from high school in Bulacan [PEP.ph]

Lola Josephine, 62, graduates from high school in Bulacan [PEP.ph]

2021-06-20 Dj Marshmallow 0 Uncategorized

Larawan ng inspirasyon ang nag-viral na high school graduation photos ng isang lola mula sa Norzagaray, Bulacan.

Si Josephine Amante Villatema, 62, ay nagtapos ng secondary education sa pamamagitan ng alternative learning system (ALS), sa Timoteo Policarpio Learning School sa Norzagaray.

Ang ALS ay praktikal at alternatibong edukasyon sa Pilipinas para sa elementary at high school.

Ino-offer ito sa mga bata o sinumang walang access sa formal education.

Ang grad pics ni Lola Josephine ay ipinost ni Glenn Mendoza at may ganitong caption: “Walang edad ang edukasyon.”

Bumuhos naman ang pagbati at pagkabilib sa lola sa kanyang narating na tagumpay.

Pero umpisa pa lang ito para kay Lola Josephine. Nais kasi niyang makakuha ng Culinary Arts course.

Balak niya itong tuparin sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

NO AGE LIMIT IN EDUCATION Hindi naging madali para kay Lola Josephine bago siya nakapagtapos.

Kinailangan niyang labanan ang kanyang hiya dahil sa laki ng agwat ng edad niya sa kanyang mga kaklase.

Marespeto naman daw ang mga ito sa kanya at supportive sa kanyang pag-aaral.

Pero may mga personal na hamon ding hinarap si Lola Josephine habang nag-aaral.

Pinagsabay niya kasi ang pag-aaral at pag-aalaga sa kanyang mga apo. Naroon din ang mga hamong pinansiyal.

Pero hindi pinanghinaan ng loob ang senior citizen para matupad ang kanyang pinapangarap sa buhay.

At nagtagumpay siya.

Lahad ni Lola Josephine sa PhilstarLife.com, “Kapag umabot man sa punto na malapit na akong mawala, masasabi kong naabot ko ang mga pangarap ko at maipagmamalaki ako ng mga anak ko.”

Gusto niyang ipaabot sa lahat ng nais ding makapagtapos kahit tila huli na para sa kanila na hindi sagabal ang edad.

Aniya, “Sa lahat ng mga tao, wala sa edad kung gusto mo talaga mag-aral para makapagtapos ka.”

Diin din Lola Josephine sa mga kabataan ang kasabihang ang edukasyon ay isang bagay na hindi kayang makuha ninuman.

Source: https://www.pep.ph/lifestyle/extraordinary/158950/lola-josephine-62-in-bulacan-graduates-from-high-school-a717-20210619?ref=home_feed_3

Comments are disabled.